Higit 50 elepante, namatay sa gutom dala ng tagtuyot sa Zimbabwe

PHOTO: Philimon Bulawayo/Reuters

Nasa 55 elepante na ang namatay sa isang wildlife reserve sa Zimbabwe simula noong Setyembre dahil sa kakulangan ng pagkain at tubig dulot ng matinding tagtuyot.

Nagbabala ang United Nations na higit limang milyong Zimbabwean ang nanganganib na makaranas ng kakapusan ng pagkain bago ang susunod na anihan sa 2020.

Pinagsamang epekto ng pagbaba ng ekonomiya at tagtuyot dala ng panahon ng El Niño ang nararanasan sa Hwange National Park na pinakamalaking game reserve sa naturang bansa.


Ayon kay Tinashe Farawo, tagapagsalita ng Zimbabwe Parks and Wildlife Management Authority (Zimparks), natagpuan ang mga nasawing hayop malapit sa mga tubigan sa national park–senyales na malayo ang nilakbay ng mga ito para humanap ng tubig.

Problema rin ang overpopulation sa parke na kaya lamang humawak ng nasa 15,000 na elepante–ngunit sa ngayon ay mayroong 50,000.

Nagkaroon na rin ng malawakang pagkasira ng mga taniman sa Hwange dahil sa mga gutom na elepanteng sumasalakay sa lugar ng mga residente para humanap ng makakain.

Ngayong taon lang, ibinenta ng awtoridad ang nasa 100 elepante sa China at Dubai sa halagang $2.7 million na mapupunta sa anti-poaching at conservation projects.

Facebook Comments