Higit 50 Pamilya ng isang Barangay sa bayan ng Burgos, Nagprotesta laban sa Lupang Kinatitirikan ng mga Bahay

Cauayan City, Isabela- Aabot sa dalawang (2) ektarya ng kinatitirikang lupain ng ilang residente ng Barangay San Antonino, Burgos, Isabela ang pilit nilang ipinaglalaban subalit nabatid na titulado ito ng pamahalaang pambarangay.

Ayon kay Kapitan Carlos Pascual, kung maaari sana ay mabayaran ng mga residente sa lugar ang lupang kanilang kinatitirikan bago matapos ang araw ng kanyang termino bilang opisyal ng barangay.

Giit ng opisyal, mapag-uusapan naman ang halaga ng pagbabayad kada-square meter maliban sa unang ibinabang kautusan na P1,000 per square meters ang kailangang bayaran ng mga residente.


Ayon naman kay Lolita Pagaduan, tagapagsalita ng grupo, umabot na sa 30 taon ang kanilang paninirahan sa barangay kung kaya’t palaisipan din ang sitwasyon ngayong nahaharap ang lahat sa pandemya.

Sinabi pa ni Pagaduan, 90% naninirahan sa lugar ay pawang mga miyembro ng Pantawid Pamilya at hindi kaya ang pagbabayad para lamang maging pag-aari ang lupang kanilang mga kinatatayuan ng kanilang mga bahay.

Habang 10% residente ay mga senior citizen na itinuturing na isa sa prayoridad ng bansa lalo na ang kanilang sitwasyon ng kalusugan.

Bukod dito, kwestyunable rin para sa grupo ni Pagaduan ang tila mabilis pa sa karera ng sasakyan ang pagpapatitulo ng barangay sa mga lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay.

Wala rin umanong public hearing na nangyari sa pagitan ng mga residente at konseho ng barangay bago sana nagpatitulo noong taong 2017.

Sa katunayan, ang perang malilikom mula sa mga residenteng magbabayad ng kanilang lupa ay pansamantalang ipopondo muna sa bangko at gagamitin para sa mga proyekto at kapakinabangan ng mga residente sa lugar.

Hiling lang ng grupo ni Pagaduan na huwag sana silang madaliin dahil batid na hirap ang lahat sa kabila ng nararanasang krisis dulot ng pandemya.

Bukas naman ang tanggapan ng pamahalaang pambarangay sa anumang usapin na mapagkakasunduan para sa higit na ikabubuti ng mga apektadong residente.

Umaabot naman sa higit 50 pamilya ang apektado sa ngayon ng nasabing usapin.

Facebook Comments