Higit 500 empleyado ng Manila City Hall, isinailalim sa mandatory rapid testing sa kanilang pagbabalik-trabaho

Nasa 568 na mga empleyado ng Manila City Hall ang sumalang sa mandatory rapid testing para sa COVID-19.

Ito ay para sa pagbabalik-trabaho nila habang nasa General Community Quarantine (GCQ) na ang Metro Manila.

Ayon kay Julius Leonen, Chief ng Manila Public Information Office, ang rapid testing sa mga empleyado ay isa sa mga kautusan ni Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso para masiguro na COVID-19 free ang kanilang city hall kasama na ang mga departamento at iba pang opisina ng lokal na pamahalaan.


Nabatid na sa unang batch ng mga empleyado na sumalang sa pagsusuri, may ilang mga nagpositibo sa rapid testing.

Bunsod nito, ang mga nagpositibo sa rapid testing ay dinala sa ilang pasilidad na itinakda ng lokal na pamahalaan bilang hakbang ng Manila Health Department (MHD).

Ang mga naturang empleyado ay isinailalim sa swab testing o RT-PCR para makumpirma kung positibo ba talaga sila sa COVID-19.

Una nang sinabi ng Manila Local Government Unit (LGU) na lahat ng mga tauhan ng city hall ay susuriin upang masiguro na walang tinamaan ng sakit at maipagpatuloy pa ang maayos na serbisyo sa publiko sa gitna ng banta ng COVID-19 sa bansa.

Facebook Comments