Umaabot sa higit 5,000 bakanteng trabaho ang inaalok ngayon ng Pasay City Public Employment Services Office (PESO) sa ikinakasa nilang Special Job Fair.
Ito’y kasabay ng ika-62 kaarawan ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano.
Nasa higit 50 kompanya na pawang mga karamihan ay local at overseas ang inaalok na trabaho dito sa Special Job Fair 2022 na ginaganap sa Cuneta Astrodome.
Ayon kay Pasay PESO manager Rona Sampang, bukas ang job fair sa lahat ng mga naghahanap ng trabaho maging residente man o hindi ng kanilang lungsod kung saan umaasa sila na marami ang matatanggap lalo na’t higit 5,000 trabaho ang nag-aabang sa mga aplikante.
Sinabi naman ni Mayor Emi Calixto-Rubiano na ang hakbang na kanilang ginawa ay bilang tugon sa mga residente nila na nawalan ng trabaho bunsod ng COVID-19 pandemic.
Para mas mapabilis at hindi na rin mahirapan pa ang mga aplikante sakaling ma-hired on the spot mayroon ng one-stop-shop para sa employment requirements tulad ng NBI, SSS, PAG-IBIG, PHILHEALT, DTI, PSA at TESDA.
Katuwang ng Pasay City PESO sa ikinakasang Special Job Fair 2022 ang DOLE-NCR, Makati-Pasay Field Office at ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) kapartner ang DZXL 558 Radyo Trabaho na tumanggap ng plaque ng pagkilala mula sa lokal na pamahalaan ng Pasay.