Umaabot na sa 55,213 ang nag-apply para maging contact tracer sa ilalim ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ito ang inihayag ni Undersecretary Bernardo Florece Jr. sa pagdinig ng Senado sa ₱6.7 bilyong panukalang budget ng DILG para sa taong 2021.
Ayon kay Florece, sa nasabing bilang 47,000 sa mga ito ang naproseso na at mahigit 10,000 na rin ang opisyal na tinanggap bilang contact tracer.
Nabatid pa na limang bilyong piso ang ipinagkaloob ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 para sa ₱18,784 na buwanang sahod ng isang contact tracer.
Kabilang sa mga gagawin ng mga contact tracer ay ang mag-interview, gumawa ng profile at magsagawa ng initial public health risk assessment ng COVID-19 cases at alamin ang kanilang mga naka-close contact.
Kabilang din dito ang pag-refer ng close contacts sa isolation facilities, magsagawa ng contact tracing at daily monitoring ng mga contact sa loob ng 14 na araw at sundin din ang iba pang gawain na may kaugnayan sa COVID response.
Sa kabuuan, umabot na sa 97,400 ang contact tracers ng pamahalaan kung saan patuloy silang naghahanap ng iba pa para maabot ng bansa ang ideal ratio.