Inihayag ngayon ng lokal na pamahalaan ng Maynila na umaabot na sa higit 50,000 residente ang nagparehistro para sa libreng bakuna kontra COVID-19 sakaling may aprubahan na ang gobyerno.
Sa datos na ibinahagi ng Manila Public Information Office, nasa 51,983 ang bilang ng nagparehistro www.manilacovid19vaccine.com.
Bagama’t una nang nanawagan ang Department of Health (DOH) sa mga lokal na pamahalaan na makipag-ugnayan sa kanila sa pagbili ng mga bakuna, nais pa rin ipagpatuloy ng Manila Local Governement Unit (LGU) ang pakikipag-usap sa mga kompanya na gumagawa ng bakuna kontra COVID-19 para makakuha sila nito.
Paliwanag ni Mayor Isko Moreno, hihintayin pa nila ang magiging payo ni Pangulong Rodrigo Duterte at Secretary Carlito Galvez na siyang itinutiring na Vaccine Czar at Chief Implementer ng National Task Force against COVID-19.
Ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng lokal na pamahalaan ay base na rin sa patnubay ni Secretary Galvez at sa ilalim ng Exexcutive Order 121 na nagbibigay ng awtoridad sa director general ng Food and Drug Administration (FDA) na maglabas ng Emergency Use Authorization (EUA) para sa mga gamot at bakuna para sa COVID-19.