Higit 50,000 National ID, Nai-deliver na ng PSA Isabela

Cauayan City, Isabela- Umaabot sa 54,439 ang bilang ng mga nai-deliver ng National ID sa buong lalawigan ng Isabela batay sa pinakahuling datos (as of October 27,2021) ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay G. Julius Emperador, PSA Isabela Specialist, nasa 60,951 ang naibabang ID ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa pamamagitan ng Philippine Postal Corporation.

Aniya, nasa 6,512 ang hindi pa naipapamahaging National ID dahil sa hirap umanong matukoy ang lokasyon ng mga nagmamay-ari ng naturang pagkakakilanlan.


Dagdag pa ni Emperador, una na silang naglabas ng abiso sa publiko na maaari ng magproseso ng National ID ang mga kabataang edad 15 hanggang 17 ngunit depende sa mga Local Government Unit (LGU) kung papayagan umano ang paglabas ng naturang edad ng mga kabataan.

Ito ay sa kabila ng maaari na ang mga walk-in applicant ng ID sa ilang pangunahing registration site.

Samantala, pinapahintulutan na ng PSA ang inter-province registration gaya ng kung ang isang indibidwal ay naninirahan na sa Isabela pero tubong Cagayan ito.

Target naman na mairehistro ng PSA ang nasa 1.2 milyon na indibidwal o 70% ng populasyon ng Isabela.

Facebook Comments