Hanggang Hunyo maaaring tumanggap ng application form ang Pag-IBIG para sa calamity loan.
Sa Laging Handa Public Press Briefing, sinabi ni Pag-IBIG Chief Executive Officer Acmad Moti na nag umpisa ang pagtanggap nila ng aplikasyon noong March 17 o matapos mapasailalim ang buong Luzon sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) dahil sa COVID-19 pandemic at tataggal hanggang June 16.
Pasok dito ang mga miyembro ng Pag-IBIG na nakatira sa mga lugar na nasa ilalim ng ECQ kung saan mababa lamang ang interest rate o tubo sa 5.9%.
Habang sa mga Pag-IBIG members naman na hindi nakatira sa mga lugar na kasali sa ECQ maaari pa rin silang mag-loan sa ilalim ng multi-purpose loan na mayroong 10.5% interest rate.
Ayon pa kay Moti, nakapagpalabas na ang ahensya ng ₱932M na pondo para sa 2 short term loans na nasa 57,000 miyembro na nila ang nakinabang.
Dahil sarado ang kanilang mga branches maaaring mag fill up ng loan form online at makapagbigay ang mga miyembro ng kinakailangang requirements para maaprubahan ang kanilang loan.
Kapag ito ay aprubado na ng Pag-IBIG maaaring makuha ng mga miyembro ang pera sa pamamagitan ng kanilang cash card.