Higit 500K pamilya sa lungsod ng Maynila, makatatanggap ng karagdagang tulong pinansiyal mula sa lokal na pamahalaan

Makakatanggap ng tig-P1, 000.00 ang bawat pamilya sa lungsod ng Maynila.

Ito ay upang may pandagdag sila sa kanilang gastusin sa araw-araw sa kabila na din ng ipinapatupad na Enhance Community Quarantine (ECQ) dahil sa banta ng Coronavirus disease o COVID-19.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, ang nasabing hakbang ay bahagi ng pinirmahan niyang Ordinance No. 8625 o ang City Amelioration Crisis Assistance Fund kung saan mabibigyan ng P1, 000 ang nasa 568,000 pamilya.


Manggagaling ang pondo mula sa supplemental budget ng lokal na pamahalaan partikular sa Office of the Mayor, Manila Department of Social Welfare at sa City Development Fund.

Magsisimula naman ang pamamahagi ng cash assistance sa bukas, araw ng Martes, April 7 pero pakiusap naman ng Alkalde sa mga residente ng lungsod ng Maynila na manatili na lamang sa loob ng kanilang tahanan dahil ang lokal na pamahalaan na mismo ang pupunta sa bawat barangay.

Huwag din daw puntahan ang bawat chairman ng barangay at hindi na din kailangan pumila sa kada barangay hall dahil mahigpit na ipinapairal ang physically distancing at mass gatherings.

Para masiguro naman na mabibigyan ang lahat ng pamilya mula sa 896 na barangay sa lungsod ng Maynila, mag-iisyu ng resibo at acknowledgement receipt ang mga tauhan lokal na pamahalaan.

Iginiit pa ni Yorme na ang P1, 000 cash assistance ay iba sa ibinibigay na tulong pinansiyal ng Department of Social Welfare Development o DSWD at hindi din manggagaling ang pondo sa i-di-nonate na sweldo ng lahat ng opisyal ng lokal na pamahalaan ng maynila ngayong buwan ng Abril.

Facebook Comments