Na-validate na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nasa 55,170 indigent households bilang potensyal na benepisyaryo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) sa Ilocos Region.
Sa validation status report ng DSWD Ilocos regional office noong July 21, 2023 sa kabuuang bilang, 47,142 ang nasa Pangasinan, 3,236 sa Ilocos Norte, 4,031 sa Ilocos Sur, at 761 sa La Union.
Ang kasalukuyang datos ay nasa 97.23%na ng 56,750 target na bilang ng mga potensyal na benepisyaryo ng rehiyon.
Ibinigay ng DSWD central office ang target number para punan ang mga puwang ng mga kabahayang nagtapos at nag-delist o naalis na sa listahan ng programa.
Sinabi ni DSWD Ilocos regional office 4Ps information officer Jaesem Ryan Gaces na ang bilang na target ay ibinigay ng 4Ps National Program Management Office (NPMO) para maabot ang 4.4 million national target.
Samantala, ipapaskil naman sa mga pampublikong lugar sa kanilang mga bayan ang mga pangalan ng nasa listahan pagkatapos ng validation process.
Magsisimula ang pagpapatala para sa mga potensyal na benepisyaryo pagkatapos makumpleto ang proseso ng pagpaskil at sasailalim din ang mga kwalipikadong benepisyaryo sa isang oryentasyon tungkol sa programa ng DSWD. |ifmnews
Facebook Comments