HIGIT 6-M HALAGA NG MARIJUANA, NASAMSAM SA QUEZON, ISABELA

Mahigit P6 milyong pisong halaga ng Marijuana ang nasakote ng mga awtoridad sa isinagawang buy bust operation ng pinagsanib pwersa ng Police Regional Office 2 at Philippine Drug Enforcement Agency 2 sa Quezon, Isabela noong Sabado, Disyembre 3, 2022.

Ayon sa ulat ng Isabela Police Provincial Office, ang operasyon na ginanap bandang 9:15 ng gabi sa Barangay Abut sa naturang bayan ay nagresulta sa pagkasamsam ng dalawang sako na naglalaman ng limampu’t limang (55) piraso ng marijuana bricks.

Ang isang sako ay may laman na 30 na piraso ng marijuana bricks habang ang isa naman ay may lamang 25 piraso.

Una rito, nakipag-ugnayan sa suspek ang isang operatiba ng PDEA na nagpanggap na poseur buyer upang bumili ng 55 piraso ng marijuana bricks na nagkakahalaga ng P440,000.

Napagkasunduan umano ng dalawa na magkita sa Barangay Abut, Quezon, Isabela na malapit sa boundary ng probinsya ng Kalinga at Isabela upang isagawa ang transaksyon.

Ngunit ng makarating sa lugar na pinag-usapan, nakatunog umano ang suspek at kumaripas ng takbo sa madilim at masukal na bahagi ng bundok.

Kasalukuyan paring pinaghahanap ng mga awtoridad ang nakatakas na suspek na kinilalang si Bryan Apag na taga Bannawag, Tabuk City, Kalinga.

Facebook Comments