Higit 600 000 informal workers, natulungan ng TUPAD program ng DOLE

Simula nang ipatupad ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment (DOLE) ng tumama ang COVID-19 pandemic, umaabot na sa mahigit 604,000 informal workers ang nabigyan ng tulong at pagkakakitaan ng ahensya.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Atty. Ma. Karina Perida-Trayvilla, Director, DOLE-Bureau of Workers with Special Concerns na karamihan sa mga natulungan ng programa ay pawang mga vendors, mga self-employed at tsuper na nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya.

Sa nasabing programa, magtatrabaho ang isang benepisyaryo ng 4 na oras kada araw sa loob ng 15 araw kapalit ng minumun na sahod sa kanilang rehiyon.


Ilan sa itinokang trabaho sa mga ito ay disinfection sa kanilang sariling tahanan at barangay, paglilinis ng baradong estero, paglilinis ng kalat, pagkukumpuni o minor repairs sa mga evacuation center at paaralan, basic services o pagbibigay ng tulong at Personal Protective Equipment (PPE) tulad ng mask sa kanilang mga ka-barangay.

Paliwanag ni Atty Trayvilla, bago sumabak sa trabaho ang mga benepisyaryo, idadaan muna sila sa seminar at pagkakalooban ng gamit at safety equipments upang maprotektahan ang sarili sa banta ng COVID-19.

Facebook Comments