HIGIT 60K JOB APPLICANTS, NABIGYAN NG TRABAHO- DOLE REGION 2

Nasa kabuuang 61,169 mula sa 64,220 Job applicants sa rehiyon dos ang nabigyan ng trabaho batay sa pinakahuling datos ng Department of Labor and Employment Regional Office 2 (DOLE RO2) sa dalawang araw na Public Employment Service Office Year End Performance Assessment (PESO YEPA) at Capacity Building Training na ginanap sa lungsod ng Cauayan na nagsimula noong December 12, 2022.

Ito ay katumbas ng 95.25% placement rate na lagpas na sa 80 percent na target ng ahensya na mabigyan ng trabaho ngayong taon.

Mayroon din 10,389 indibidwal ang nagbenepisyo sa ilalim ng Government Internship Program (GIP) kung saan nasa higit P158 milyong piso ang naipamahagi bilang pasahod sa mga benepisyaryo.

Bukod dito, may 8,094 na benepisyaryo din ang natulungan sa pamamagitan ng Special Program for the Employment of Students (SPES) kung saan naman ay may higit P32 milyon piso pondo ang inilaan para dito.

Ayon kay Regional Director Joel M. Gonzales, ang mataas na placement rate ay naabot dahil sa suporta at kooperasyon ng mga PESO sa rehiyon.

Samantala, hinamon naman ni Assistant Regional Director Jesus Elpidio B. Atal, Jr. ang mga PESO na ipagpatuloy ang magandang gawain na kanilang nasimulan upang matugunan ang pangangailangan ng mga kliyenteng magkatuwang na pinaglilingkuran ng DOLE at PESO.

Tampok rin sa nasabing aktibidad ang pagkilala sa mga Bayanihan Service Awards entries ng rehiyon kabilang ang City of Ilagan at Tuguegarao City para sa Independent Component City category, Provincial Government ng Quirino para sa 3rd-5th Class Province category, San Mariano, Isabela para sa 1st-2nd Class Municipality category, Cabarroguis, Quirino at Sanchez Mira, Cagayan para sa 3rd-4th Class Municipality category at ang Job Placement Office (JPO) ng Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) para sa JPO category.

Kinilala rin ang mga PESO top performers for placement and referral, Labor Market Information (LMI), Career Guidance Advocacy Program (CGAP), Special Program for the Employment of Students (SPES), TUPAD, Government Internship Program (GIP) at DOLE Integrated Livelihood Program (DILP).

Facebook Comments