Higit 68,000 tsuper at operator nakatanggap na ng fuel subsidy

Nasa 68,023 drivers at operators na ang nakatanggap ng P6,500 fuel subsidy mula sa pamahalaan.

Sa presscon sa Malakanyang, sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Executive Director Kristina Cassion na ito ay kasunod nang pag-uumpisa ng pamamahagi ng fuel subsidy para sa mga PUJ, PUB at UV express drivers mula March 14 hanggang 18, 2022.

Ani Cassion, naipasok na sa Land Bank of the Philippines o Landbank cards ng mga benepisyaryo ang pera at maaari na nila itong magamit sa alinmang accredited oil company.


Habang ang taxi drivers, shuttle at tourist drivers, maging ang TNVS drivers ay sisimulan pa lamang ang pamamahagi ng subsidiya na magtataggal hanggang sa March 25, 2022.

Paliwanag pa nito, para sa mga tricycle at delivery services, ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Trade and Industry (DTI) ang siyang magkakaloob sa kanila ng fuel subsidy.

Ibibigay ang fuel subsidy sa pamamagitan ng e-wallet o over-the-counter at ang halaga nito ay dedepende sa listahang isusumite ng DILG at DTI.

Sa kabuuan, nasa 264,443 units ang mapagkakalooban ng fuel subsidy kung saan nasa P2.5 billion ang pondong inilaan dito ng pamahalaan sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act.

Facebook Comments