Nakapagtala ang National Vaccination Operations Center (NVOC) ng 2,447,973 na mga nabakunahan kahapon, December 1, 2021 ang ikatlong araw ng National Vaccination Drive ng pamahalaan.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni NVOC Chairperson at Health Usec. Myrna Cabotaje na noong unang araw ay umabot sa 2,713,731 ang mga nabakunahan habang noong ikalawang araw ay nasa 2,446,728 ang mga nabakunahan.
Sumatutal ay nakapagtala ang NVOC ng 7,628,432 na mga nabakunahan sa nagpapatuloy na National Vaccination Drive.
Ayon pa kay Usec. Cabotaje, hindi pa pinal ang mga datos dahil patuloy pa silang nakakatanggap ng data mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Samantala, 85% mula sa 7.6 milyong mga Pilipinong nabakunahan ay nakatanggap ng 1st dose o katumbas ng 55,415,753 mga indibidwal.
Naitala naman ang Regions 4-A, 3 at 7 bilang top performing regions habang ang Cavite, Laguna at Cebu ang mga top performing provinces at ang Region 1, National Capital Region (NCR), Cordillera Administrative Region, Region 4-B at Region 2 ang mga rehiyon sa bansa na nag-exceed o lumagpas ang mga nabakunahan mula sa kanilang mga target.