Sinisiguro ng Philippine Ports Authority (PPA) na mailalabas nila ang nasa 736 na container na naglalaman ng bigas na nakatengga sa pantalan.
Sa pahayag ni PPA General Manager Jay Santiago, patuloy ang ginagawa nilang proseso at pakipag-uugnayan sa Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC) para tuluyan ng mailabas ang mga nakatenggang mga container gayundin ang iba pang agricultural products.
Anya, unti-unti na nilang nailalabas ang mga kargamento kung saan una na nilang pinadalhan ng notice ang mga may-ari nito.
Bukod sa mga bigas, may mga container din ang hindi pa nailalabas na naglaman ng karne ng manok, baboy at iba pang meat products.
May mga container din na naglalaman ng iba’t ibang gulay lalo na ang sibuyas na nakatengga rin sa pantalan na kanila naman iniulat na DA.
Bagama’t wala pang ipinatutupad na dagdag-bayad sa mga overstaying na container, plano ng PPA na sa susunod na taon ay magpatupad ng penalty sa mga may-ari ng kargamento na lalagpas sa itinakdang due date sa mga pantalan.