Umabot na sa 7,500 repatriated Filipino migrant workers ang napauwi ng pamahalaan sa kani-kanilang probinsya.
Kasunod ito ng ibinigay na isang linggong ultimatum ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Labor and Employment (DOLE), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Health (DOH) hinggil sa pagpapauwi sa mga nakatenggang Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ayon kay OWWA Administrator Hans Cacdac, katuwang nila ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pagpapauwi ng mga returning OFWs.
Ang nasabing bilang ay mula sa kabuuang 27,000 OFWs na hanggang ngayon ay naghihintay pa rin ng resulta ng kanilang COVID-19 sa mga quarantine facilities sa Metro Manila.
Inaasahan na nasa 43,000 OFWs pa ang darating sa bansa sa Hunyo.
Ang mga ito ay pawang mga nawalan ng trabaho sa ibang bansa bunsod ng epekto ng COVID-19.