Higit 71-M pasahero, nakinabang sa “Libreng Sakay” program ng DOTr

Mahigit 71 milyong commuters sa buong bansa ang naserbisyuhan ng “Libreng Sakay” sa ilalim ng Service Contracting Program ng Department of Transportation (DOTr).

Ayon sa ahensya, kabuuang 71,222,260 mga pasahero ang nakinabang sa programa hanggang noong Lunes, June 20.

Nabatid na magtatapos na ang libreng sakay program ng mga public utility vehicles at MRT-3 sa June 30, kasabay ng pagbaba sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte.


Habang sa July 30 naman ang huling araw ng libreng sakay sa EDSA bus carousel.

Paliwanag ni LTFRB Executive Director Kristina Cassion, paubos na ang pitong bilyong pisong pondo na inilaan ng pamahalaan para sa libreng sakay dahil nasa P14 milyon ang nagagastos nila kada araw sa pagbabayad sa mga pampublikong sasakyan.

Matatandaang ilang beses nang pinalawig ang libreng sakay upang alalayan ang mga tsuper, operator at mga pasahero mula sa epekto ng sunod-sunod na taas-presyo sa mga produktong petrolyo.

Facebook Comments