Higit 800 paaralan sa bansa, ginagamit bilang evacuation center

Kasunod ng nangyaring kalamidad sa bansa, iniulat ng Department of Education (DepEd) na nasa 869 paaralan sa bansa ang ginagamit bilang evacuation center.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na ito ay mula sa 44 na school divisions o katumbas ng 4,367 na mga classroom.

Magkagayunman, umaasa si Briones na magkakaroon talaga ang bawat Local Government Units (LGUs) ng designated evacuation center upang mailayo sa panganib ang mga mag-aaral.


Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na aniya ang nagsabi na hindi dapat gawin bilang evacuation center ang mga eskwelahan.

Ipinunto rin ng kalihim na hindi maaaring paghaluin ang evacuees mula sa mga suspected COVID-19 positive kaya’t dapat magkahiwalay ng lugar ang mga ito.

Kasunod nito, malaking tulong din aniya ang kawalan ng face-to-face learning upang ma-minimize ang pinsala ng bagyo lalo na sa mga mag-aaral.

Facebook Comments