Nagsara o nagsuspinde na ng operasyon ang nasa 860 pribadong eskwela kaya’t nalagay sa alanganing kalagayan ang nasa 60,000 estudyante at 4,258 guro para sa taong 2020-2021.
Ayon kay Office of Undersecretary for Planning Jesus Mateo, galing ito sa ulat ng Department of Education (DepEd) kung saan noong nakaraang taon, may 14,435 private school na nag-o-operate ngunit nabawasan na ito ngayon at maaaring mabawasan pa sa mga susunod na panahon dahil sa kakulangan ng mga enrollees.
Bukod sa problema sa enrollees, hindi rin nakatugon ang ilan sa mga eskwela sa inilabas na kautusan na gawing ligtas sa pandemya ang mga estudyante at guro, mahinang kita at hindi nakakuha ng mga kaukulang permiso mula sa DepEd para mag-operate.
Karamihan sa mga nagsara o nagsuspinde ng operasyon ang nasa Region 3 at 4-A na may 136 gayundin sa National Capital Region (NCR) na may 121 na private schools.
Pinaka marami namang estudyanteng apektado ang nasa CALABARZON sa bilang na 19,658, Central Luzon na nasa 10,092 at Metro Manila na may 6, 654.
Pinaka marami namang titser ang nawalan ng trabaho sa Region 4-A sa bilang na 858, Region 3 (822) at NCR na nasa 697.