Umaabot sa 84,816 na mga mag-aaral ang nakinabang sa educational assistance na programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa inilabas na datos ni DSWD Asec. Romel Lopez, nasa P201,018,000 ang nailabas nilang pondo sa huling araw ng pamamahagi ng educational assistance kung saan hindi nila naabot ang target na higit 100,000 benepisyaryo sa buong bansa.
Nabatid na nasa 232 ang payout sites sa limang rehiyon ang itinatag ng DSWD kung saan dinumog ang ilan sa mga ito ng mga nais makatanggap ng cash assistance.
Matatandaan na naglaan ang DSWD ng P1.5 bilyon na pondo para sa nasabing programa pero nasa higit P1.6 bilyon na ang kanilang nailabas.
Ito’y matapos na pumalo sa 676,922 ang nakatanggap ng educational assistance na sobra-sobra sa bilang na 400,000 na target beneficiaries.
Sa ilalim ng naturang programa ng DSWD, tatlong estudyante bawat indigent family ay makatatanggap ng P1,000 para sa elementary students, P2,000 sa high school students, P3,000 sa senior high school students at P4,000 para naman sa mga tertiary student.
Bagama’t natapos na ang huling araw ng pamamahagi ng educational assistance, magpapatuloy pa rin naman ang programa kung saan hindi pa naman inilalabas ng DSWD ang kabuuang detalye.