Cauayan City, Isabela- Umaabot na sa higit 9,970 na pamilya na kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Cagayan Valley ang hindi na ngayon kabilang sa nasabing programa batay sa datos ng Regional Program Management Office (RPMO) ng Department of Social Welfare and Development Field Office 02 (DSWD-FO2) sa nakaraang Regional Advisory Committee (RAC) Meeting.
Ayon kay Mac Paul Alariao, Regional Modified Conditional Cash Transfer (MCCT) Focal, 8,136 sa nasabing bilang ay mga pamilyang wala nang anak edad 0-18 na sinusubaybayan ng programa; 594 ang boluntaryo nang lumabas sa programa dahil sa pag-angat sa buhay; at 240 ang napalabas dahil sa iba pang dahilan katulad ng duplikasyon, hindi pagsunod sa mga alituntunin ng programa, may kakayahan na o self-sufficient at iba pang dahilan ayon sa Grievance Redress System (GRS) ng programa.
Ipinaliwanag naman ni Assistant Regional Director for Operations (ARDO) Lucia Alan na puspusan ang paghahanda ng RPMO sa mga pamilyang nalalapit nang hindi mapabilang sa programa batay sa nakapaloob sa Republic Act 11310 o 4Ps Act, ang isang pamilya ay mapapabilang na lamang sa programa sa loob ng pitong taon.
Isang halimbawa ng pamilyang boluntaryong lumabas sa programa ang pamilya ni Juliet Pajar mula sa Roma, Enrile Cagayan. Mula sa halagang limandaang piso na kanyang inutang mula sa kapitbahay, ginamit niya ito na pampuhunan sa pagbabahay-bahay sa paglalako ng gulay hanggang sa lumago.
Maliban sa buwanang Family Development Sessions, nagkakaroon din ng regular home visitation at balidasyon sa mga kabahayang napapabilang sa programa upang masiguro ang kanilang patuloy na pagsunod sa mga alituntunin at kondisyon ng programa.
Maigting din na binabantayan ang mga kabahaya nagkakaroon ng problemang pabalikin sa paaralan ang kanilang mga anak.
Samantala, ang mga nababakanteng kabahayan ay mapapalitan naman ng panibagong kabahayan buhat sa listahan ng mahihirap na pamilyang sumailalim sa balidasyon ng National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR) o Listahanan nitong mga nakaraang taon.
Maaalalang nagkaroon ng pagkilala ng mga kabahayang boluntaryong umexit sa programa sa Delfin Albano, Isabela noong February ng nakaraang taon.