Higit dalawang kilo ng marijuana, nasabat ng BOC at PDEA

Nasa 2.09 kilo ng high grade marijuana ang nasabat ng pinagsanib na pwersa ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Port of Clark.

Ang nasabing droga ay tinatayang nagkakahalaga ng higit P1.8 milyon kung saan nagmula ang kargamento sa Sacramento, USA, at ibabagsak sana sa Surigao del Norte.

Nadiskubre ang marijuana nang dumaan sa x-ray ng BOC kung saan isinailalim ito sa physical examination.


Nakalagay ang 12 plastic sachet ng droga sa itim na PVC cylinder na nasa isang brown rectangular box na may label na “Ink Toners.”

Agad na kinumpiska ang nasabing droga saka itinurn-over sa PDEA kung saan nagkakasa na rin ng imbestigasyon para matunton ang may-ari o tatanggap ng kargamento.

Facebook Comments