Kulang na ang mga natitirang taon sa ilalim ng Duterte Administration para masolusyonan ang matinding problema sa trapik sa EDSA.
Ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, hindi na kakayanin pa na matapos ang anumang proyekto sa EDSA kung ngayon pa lang ito sisimulan.
Sinabi ng Pangulo na pag- upo palang nya sa pwesto ay agad na siyang sinabihan ng kanyang mga Economic Managers na kailangan ng maraming pondo para maisaayos ang EDSA pero ito aniya’y inintriga ng ilang Senador at sinabing gagawin lamang itong gatasan.
Giit pa ng Pangulo kahit na pagkalooban pa sya ng matagal na nyang hinihinging Emergency Powers ay di na ito sasapat sa nalalabi nyang taon sa Palasyo.
Tiyak aniyang gagamitin lang itong bala ng kanyang mga kritiko para siya’y mapulaan at palabasing may iniwan siyang nakatenggang proyekto sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2022.