Inihayag ni Dr. Moriel Creencia, Medical Chief ng National Children’s Hospital na nasa kabuuang 1,467 na mga bata edad 5 hanggang 11 ang nakapagparehistro na para sa pag-uumpisa ng expanded vaccination program sa pediatric sector sa Lunes, Pebrero 7, 2022.
Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni Medical Chief, National Children’s Hospital Dra. Moriel Creencia na ang mga ito ay nagparehistro kung kaya’t hanggang Pebrero 15 ay mayroon na silang schedule na mga babakunahan.
Ayon kay Creencia, kinakailangang magparehistro o pwede rin naman ang walk in sa National Children’s Hospital at dapat bitbit ng magulang o guardian ang kanilang mga ID, dokumento tulad ng birth certificate.
Kasunod nito, pinawi ng opisyal ang pangamba o agam-agam ng ilang mga magulang sabay sabing well trained ang mga vaccinators.
Magkakaroon din ng monitoring area para sakali mang magkaroon ng agarang side effect, ipapaliwanag din nila sa mga magulang kung ano ang dapat gawin kapag nagkaroon ng side effect pagkauwi ng tahanan.
Binigyan diin pa nito ang kahalagahan ng pagbabakuna nang sa ganon ay maipagpatuloy na ang face-to-face classes at maari nang makalabas ang mga bata upang magkaroon sila ng social interaction sa kapwa nila mga bata.