Nasa 55% ng mga bagong dating na COVID-19 vaccines ang nakatakdang ipamahagi sa Visayas at Mindanao.
Ito ang inanunsyo ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa harap ng nararanasang pagsipa ng kaso ng sakit sa mga nabanggit na rehiyon.
Pero paglilinaw ni Vergeire, nabibigyan naman ng vaccine supply ang mga lugar na may mataas na kaso ng COVID-19 sa Visayas at Mindanao sa nakalipas na dalawang linggo pero pinatututukan pa rin ang NCR Plus 8.
Kahapon, matatandaang umapela na si Iloilo City Mayor Jerry Treñas ng dagdag alokasyon ng bakuna dahil halos 2% pa lamang ng 500,000 populasyon ng lungsod ang natuturukan.
Samantala, sa pinakabagong ulat ng OCTA Research Group, nakitaan din ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 ang Valencia, Bukidnon; Cebu City; Davao City at Polomok, South Cotabato.