Cauayan City, Isabela- Muling sumiklab ang sagupaan sa pagitan ng mga rebeldeng grupo at tropa ng 17th Infantry Battalion sa bayan ng Rizal, Cagayan.
Nangyari ang engkwentro dakong alas sais y medya kaninang umaga, Nobyembre 25, 2021 sa Sitio Ligay sa Brgy. Masi.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Army Major Jekyll Dulawan, head ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5ID, Philippine Army, nag-ugat aniya ang engkwentro matapos paputukan ng tinatayang mahigit kumulang 15 miyembro ng NPA sa ilalim ng Komiteng Rehiyon, Cagayan Valley (KR-CV) ang mga paparating na sundalo.
Una aniyang nakatanggap ng impormasyon ang tropa ng 17th IB mula sa mga concerned citizen kaugnay sa presensya ng mga makakaliwang grupo sa kanilang lugar na agad namang inaksyunan ng mga sundalo.
Ayon pa kay Maj. Dulawan, tumagal ng halos 20 minuto ang palitan ng putok sa pagitan ng mga NPA at ng mga sundalo at kalauna’y umatras din ang mga bandidong grupo.
Wala namang naitalang nasugatan o casualty sa panig ng pamahalaan habang posible umanong may nalagas sa mga nakalabang rebelde dahil sa mga naiwang bakas ng dugo sa kanilang pinag pwestuhan at sa narekober na armas.
Nakuha ng militar sa pinangyarihan ng engkwentro ang isang AK47 na baril at isang handguard ng M16 rifle.
Nagpapatuloy ngayon ang hot pursuit operation ng kasundaluhan laban sa mga nakasagupang rebelde.