Nahuli ang pitong kalalakihan kabilang ang tatlong menor de edad na kabilang umano sa notorious akyat bahay gang na nambibiktima sa lalawigan ng Pangasinan. Ayon PCol. Redrico Maranan, maituturing silang organized group na akyat bahay na umiikot sa mga bayan ng Sual, Alaminos at Labrador.
Kinilala ang mga suspek na sina Dane Ver, Earl John Tactaquin, Den Mar Pendog Nazareno Calpatura, at tatlo pang menor de edad. Ayon sa imbestigasyon ng PNP Sual na ang pitong nahuli ay nanloob sa bahay ng isang Michael Santos at kinuha ang isang vault na naglalaman ng humigit kumulang na dalawang milyong piso at ilang mga gamit na kita mula sa kanilang negosyo.
Nagsagawa agad ng follow up investigation ang pulisya at doon na naaktuhang itinatapon ng mga suspek ang natangay na vault mula sa biktima. Nakuha mula sa kanila ang pera at dalawang cheke na nagkakahalaga ng humigit kumulang na 1 million pesos at ilan pang mga gamit na nakuha sa kanilang operasyon na umabot sa higit 3 milyong piso.
Lumalabas din sa imbestigasyon ng PNP Sual na ang isa sa mga suspek ay kaibigan ng anak ng biktima. Sasampahan na ang apat ng kasong robbery at ituturn over naman ang tatlong menor de edad sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at aantayin na lamang ang court order.