Cauayan City, Isabela- Umaabot sa halos P1 bilyong piso ang pinsala na naitala sa sektor ng agrikultura bunsod ng naranasang malawakang pag-uulan dala ng nagdaang Bagyong Pepito sa lalawigan ng Isabela.
Ayon kay Retired Gen. Jimmy Rivera, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer, apektado ngayon ang mga magsasaka mula sa 36 na bayan sa probinsya.
Hindi man aniya direktang naapektuhan ng bagyo ang lalawigan ay nakaranas naman ito ng malawakang pag-uulan dahilan para maapektuhan ang mga ekta-ektaryang pananim na mais at palay.
Batay sa datos na inilabas ng PDRRMO, apektado ang high value crops, livelihood, mga palaisdaan, palay at mais na nagkakahalaga ng kabuuang P953,778,583.00.
Samantala, umabot naman sa mahigit P16 million ang naging pinsala sa sektor ng imprastraktura partikular sa mga pangunahing daan.
Inihayag din ng opisyal na may ilang tulay pa rin ang hindi madaaanan ng kahit anumang uri ng sasakyan dahil sa nananatiling lubog pa rin ito dulot ng pagbaha.