Online sabong at iba pang electronic betting activities, planong buwisan

133

Iminumungkahi ni Committee on Ways and Means Chairman at Albay Rep. Joey Salceda na mabuwisan na rin ang mga electronic sabong at iba pang mga pustahang laro na ginagawa na rin sa online.

Sa House Bill 7919 o “Offsite Betting Activities on Locally Licensed Games” na inihain ni Salceda ay isinusulong nito na magkaroon na rin ng pagbubuwis sa mga online-betting activities upang maging transparent at accountable ito sa gobyerno.


Paglilinaw ni Salceda, ang mga operasyon ng sabong at iba pang betting games ay legal naman salig na rin sa mga local ordinances, ngunit itinuturing naman ng kongresista na “gray area” ang electronic na aspeto nito.

Dahil malabo ang online sabong at iba pang electronic-betting activities ay hindi nababantayan ng pamahalaan ang operasyon ng mga ito sa online at hindi rin nakakasingil ng buwis sa ganitong mga aktibidad.

Layunin din ng nasabing pagpapataw ng buwis na makalikom ang pamahalaan ng dagdag na kita na gagamitin sa pantugon laban sa COVID-19.

Tinatayang 5% naman ang ipapataw na buwis na kukunin sa gross revenues mula sa online betting activities ng locally licensed games at hindi sa buwis na nire-require ng local government units at regulatory fees and charges na ipinapataw naman ng mga ahensya ng gobyerno.




Inaasahang ₱1 billion naman ang inisyal na kita na makokolekta dito ng pamahalaan.

Hindi naman kasama dito ang games at activities na regulated at pinapayagan sa ilalim ng government gaming authorities tulad ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Facebook Comments