Higit na proteksyon at benepisyo para sa OFWs, isinulong ni Senator Poe

Hiniling ni Senator Grace Poe ang madaliang pagsasabatas ng panukalang magbibigay ng mas maraming proteksyon at benepisyo sa Overseas Filipino Workers (OFWs) na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.

Nakapaloob ito sa inihain niyang Senate Bill No. 1476 o ang Act to Further Assist Filipino Migrant Workers.

Itinatakda ng panukala ang pagbibigay sa mga OFWs ng full reimbursement ng kanilang placement fee na ‪may 12‬ percent na interes kada taon.


Kasama rito ang kanilang sahod sa hindi napasong panahon ng kanilang employment contract o ang pagtanggap ng tatlong buwang sahod kada taon sa hindi napapasong termino.

Layunin ng panukala na amendahan ang Section 10 sa Money Claims ng Migrant Workers and Overseas Filipino Act.

Ito ay para atasan ang Department of Labor and Employment at attached agencies na magbigay ng bagong skills training, re-training programs, kabuhayan at technology assistance, seminar sa micro-finance assistance, at katulad na oportunidad para sa bumabalik na OFWs.

Facebook Comments