Higit P1.8-Billion na Uutangin ng LGU Santiago City, Pinuna ni Dating Mayor Miranda

Cauayan City, Isabela- Kinuwestyon ni dating Mayor Jose ‘Pempe’ Miranda ng Santiago City ang umano’y pagpayag ng Land Bank of the Philippines na umutang ng higit P1.8 bilyon si Mayor Joseph Tan na wala umanong kaukulang naipepresentang ‘feasibility study’.

Ito ang tahasang pagkwestyon ng dating alkalde dahil ng ito umano ang mangungutang para sa planong pagtatayo ng Bagsakan Center ay hiningan ito ng feasibilty study ng naturang bangko.

Sa dokumentong nakalathala sa kanyang facebook account, sinasabi ng opisyal na bakit umano napirmahan ang apat (4) na loan agreement nitong nakaraang Pebrero 16, 2021 kahit wala pa umanong pagsang-ayon ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod.


Batay umano sa Loan Agreement sa pagitan ng City Government ng Santiago at Land Bank of the Philippines (LBP) nitong Pebrero 22 pa lamang maihahanda ang pera na uutangin ng LGU habang sa March 22, 2022 ay magsisimula na ang election period.

Tanong pa ng dating opisyal, paano masisimulan ang proyekto kung saan ipapatupad na ang election ban sa susunod na taon.

Base sa sulat ni Miranda, ang unang release ng loan na kinse porsyento (15%) na nagkakahalaga ng P277,000,000.00 ay maaari umanong kolektahin kaagad ng bidder bilang mobilization fund kahit hindi pa nasisimulan ang sinasabing mga proyekto.

Hindi rin pinalampas ng dating opisyal ang pagkwestyon nito kay Mayor Tan kung bakit sa LandBank Cabarroguis branch pa gagawin ang pag-utang samantalang mayroon namang kahalintulad na bangko ang Santiago City na siya umanong depository bank ng LGU.

Malinaw umano sa dating alkalde na higit P1.8 billion ang uutangin ng City Government pero hindi umano nakasaad sa kasunduan ang eksaktong monthly amortization na dapat bayaran ng LGU.

Sa huli, nakasaad na ano pa aniya ang maaaring gamitin na 20% Economic Development Fund ng susunod na mamumuno sa lungsod kung ang nasabing porsyento ng Internal Revenue Allotment (IRA) ay pambayad na lamang ng utang sa naturang bangko.

Nakikipag-ugnayan ang iFM news team subalit wala pang tugon ang Punong Lungsod.

Facebook Comments