Ibinunyag ni Senador Panfilo Lacson na bukod sa baboy at manok, ay nawawalan ng mahigit isang bilyong piso ang gobyerno kada taon dahil sa katiwalian sa pag-import ng isda at iba pang produktong dagat.
Isiniwalat ito ni Lacson makaraang matuklasan ang malaking pagkakaiba sa datos ng World Trade Organization (WTO) at Philippine Statistics Authority (PSA) tungkol sa pag-import ng isda at seafood mula 2015 hanggang 2020.
Nadiskubre ni Lacson na may nawawalang nasa P1.058 bilyong taripa na dapat ay pumasok sa kaban ng gobyerno ng Pilipinas nang pagkumparahin ang mga datos ng WTO at PSA.
Diin ni Lacson, maraming dapat ipaliwanag ang Department of Agriculture (DA) dahil ang hindi pagkakatugma ng mga datos ay nangangahulugan na may nangyayaring misdeclaration, under declaration o smuggling.
Malinaw ayon kay Lacson na hindi lang sa pork at poultry products may iregularidad kaya nakapagtataka na walang ginagawang aksyon ang DA.
Sabi ni Lacson, malaking tapyas sa kaban ng bayan at dagdag na kayamanan para sa mga importer at kasapakat na tiwaling opisyal ng pamahalaan ang resulta ng nabanggit na iregularidad.