HIGIT P10-M MARIJUANA SINIRA SA ILOCOS SUR

Umabot sa 53,400 fully grown marijuana plants na nagkakahalaga ng mahigit ₱10.6 milyon ang nadiskubre at sinunog ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang malawakang operasyon sa lalawigan.

Ayon sa pahayag, ang operasyon na inabot ng dalawang araw, ay naka pagtukoy ng 13 plantasyon ng marijuana, na may tinataya umanong sukat mula 100 hanggang 3,000 square meters.

Pinakamalaki umano sa mga ito ang plantasyong may 18,000 halaman na tinatayang nagkakahalaga ng ₱3.6 milyon.

Pinangunahan ng Drug Enforcement Unit ng Ilocos Sur Police Provincial Office ang operasyon, kasama ang PDEA RO1-INPO, Sugpon MPS, at iba pang yunit ng kapulisan.

Samantala, matapos matagpuan ang mga taniman, agad na isinagawa ang inventory, dokumentasyon, at pagsunog sa mga halaman.

Ayon sa kapulisan, ang operasyon ay bahagi ng kanilang tuloy-tuloy na kampanya laban sa ilegal na droga sa ilalim ng PNP Focus Agenda. Dagdag dito, ang pagkilos na ito ay patunay ng kanilang pangako at magpapatuloy umano sila sa mas pinaigting na koordinasyon upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng publiko.

Facebook Comments