Higit P2 milyon na Marijuana Bricks, Narekober sa Bumanggang Sasakyan sa Kalinga

Cauayan City, Isabela- Mahigit dalawang milyong piso (P2, 448,000.00) na halaga ng marijuana bricks ang narekober ng mga awtoridad ng magresponde sa isang vehicular accident kahapon, Oktubre 3, 2021 sa Bado Dangwa, Tabuk City, Kalinga.

Batay sa ulat ng Tabuk City PNP, umabot sa dalawampung (20) hinihinalang marijuana leaves at stalks na nakabalot sa dyaryo na tumitimbang ng higit kumulang 20,400 grams ang kanilang nakumpiska sa isang Toyota Fortuner na may plakang GAF 08.

Bukod dito, narekober din sa loob ng sasakyan ang isang cellphone, Certificate of Registration and Official Receipt, Advantage Card, at DBP ATM Card.


Una rito, rumesponde ang mga tauhan ng Traffic Management Unit (TMU) sa kinasangkutang aksidente ng Fortuner sa nasabing lugar at isang motorsiklo na minamaneho ng isang binata na residente ng Bantay, Tabuk City, Kalinga.

Kaagad namang ipinagbigay alam ng rescue team sa City Drug Enforcement Unit (CDEU) – Tabuk CPS at Provincial Explosive Ordnance Disposal Canine Unit (PECU) Kalinga kasama ang PIU Kalinga, PECU Kalinga, PDEU Kalinga, RID PRO-COR, RDEU PRO-COR at RSOG PRO-COR ang mga nadiskubreng bloke-blokeng marijuana sa loob ng sasakyan.

Gayunman, nakatakas ang hindi pa nakilalang drayber ng sasakyan matapos ang insidente.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad at mapanagot ang drayber ng sasakyan na may itinagong iligal na droga sa kanyang sasakyan.

Facebook Comments