Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang nasa P23,847,000 na halaga ng mga smuggled na imported refined sugar mula Hong Kong sa Manila International Container Port (MICP).
Ang nasabing shipment ay idineklarang naglalaman ng insulators, surge arresters, slipper outsoles, at Styrene Butadiene rubber na nakapangalan sa Burias Jang Consumer Goods Trading.
Nadiskubre ang asukal matapos itong sumailalim sa physical examination kung kaya’t agad na naglabas ng Alert Order (AO) sa naturang shipment base na rin sa kahilingan ni Customs Intelligence and Investigation Service- Manila International Container Port Chief Alvin Enciso.
Kaugnay nito, kakasuhan ng Bureau’s Action Team Against Smugglers ang mga nasa likod ng iligal na gawain sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ).
Nagpapasalanat naman si customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz sa mabilis na aksyon ng kaniyang mga tauhan para maharang ang naturang produkto.
Aniya, sisikapin ng kanilang tanggapan na hindi makapaasok ang mga smuggled agricultural products sa bansa sa pakikipag-tulungan sa Department of Agriculture dahil lubos na maaapektuhan nito ang ekonomiya gayundin ang kabuhayan ng mga magsasaka.