Cauayan City, Isabela- Umaabot sa P21.9 milyon na plantasyon ng marijuana at seedlings ang sinira ng mga otoridad sa tatlong araw na operasyon sa ilang barangay ng Tinglayan, Kalinga.
Sa ulat ng PNP Cordillera, umabot sa 1 ektaryang lupain ng marijuana o nasa 11 plantation sa tatlong barangay ang pinagsisira ng pinagsanib na pwersa ng Kalinga PPO RPDEU/RID/RSOG PROCOR, RIU14, 1503rd MC RMFB15, 141 SAC PNP SAF, at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Kalinga.
Sa Brgy. Butbut Proper, sinira ang nasa 57,500 fully grown marikuana at 65,000 seedlings ang nadiskubre naman sa tinatayang 6,650 square meters na lupain na nagkakahalaga ng P14,100,000.00.
Habang sa Brgy. Loccong naman ay nadiskubre ang taniman ng marijuana mula sa 4,000 square meters at kanilang sinira ang 34,000 fully grown marijuana o katumbas na halagang aabot sa Php 6,800,000.00.
Samantala, sa Barangay Buscalan naman ay sinira ng mga operatiba ang nasa 5,000 fully grown marijuana o tinatayang nagkakahalaga ng P1-M mula sa 500 square meters na lupain.
Sa kabuuan, umabot sa 96,500 fully grown marijuana at 65,000 seedlings ang sinunog mula sa 11,150 square meters na lupain.