Tuesday, March 10, 2026

HIGIT P28.2 MILYONG HALAGA NG ILEGAL NA DROGA NASAMSAM SA ILOCOS REGION

Nasakote ng mga operatiba ng Police Regional Office 1 (PRO 1) ang 41 indibidwal na hinihinalang sangkot sa ilegal na droga sa isinagawang 39 anti-illegal drug operations sa iba’t ibang bahagi ng Ilocos Region sa loob ng isang linggo.

Batay sa ulat ng pulisya, nagresulta ang serye ng operasyon sa pagkakasamsam ng iba’t ibang uri ng ilegal na droga na may kabuuang Standard Drug Price (SDP) na P28,296,695.40.

Kabilang sa mga nakumpiska ang 126.15 gramo ng hinihinalang shabu. Bukod dito, nadiskubre at agad na winasak ng mga awtoridad ang ilang plantasyon ng marijuana kung saan natagpuan ang 117,180 na tanim ng marijuana, 31,065 gramo ng marijuana stalks, at 1,000 gramo ng marijuana fruiting tops.

Ayon kay PRO 1 Regional Director PBGEN Dindo R. Reyes, patunay ang matagumpay na operasyon ng patuloy at pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa ilegal na droga sa rehiyon.

Muling nanawagan ang pulisya sa mga mamamayan na manatiling mapagmatyag at makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pag-uulat ng anumang kahina-hinalang aktibidad upang higit pang mapalakas ang kampanya laban sa ilegal na droga at mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa buong Ilocos Region. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments