Thursday, April 30, 2026

MAHAHALAGANG SERBISYO SA DAGUPAN CITY, MANANATILING BUKAS SA GITNA NG COMPRESSED WORKWEEK SA MGA TANGGAPAN NG LUNGSOD

Mananatiling bukas ang mga tanggapang nagbibigay ng mahahalagang serbisyo sa Dagupan City kahit ipatupad ang apat na araw na pasok sa mga opisina ng pamahalaang lungsod simula ngayong araw, Marso 9, 2026.

Sa ilalim ng bagong iskedyul, papasok ang mga kawani ng lungsod mula Lunes hanggang Huwebes, alas 7:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon.

Wala namang regular na pasok tuwing Biyernes, maliban sa mga tanggapan na nagbibigay ng mahahalagang serbisyo sa publiko.

Kabilang dito ang Public Order and Safety Office (POSO), City Health Office (CHO), Market Office, Parks and Plaza Maintenance, Waste Management Division (WMD), Public Alert Response and Monitoring Center (PARMC), at City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).

Ayon sa pamahalaang lungsod, inaasahan ang lahat ng kawani na panatilihin ang disiplina sa trabaho, unahin ang mahahalagang gawain, at maging responsable sa paggamit ng kuryente, tubig, at gasolina.

Layunin ng hakbang na ito na mapanatili ang maayos na serbisyo sa publiko habang isinusulong ang mas maingat at episyenteng paggamit ng enerhiya at iba pang yaman ng pamahalaan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments