Umaabot sa 400 na bundle ng mga ukay-ukay ang nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC) sa isang storage facility sa Malibay, Pasay City.
Sa pinagsanib na puwersa ng BOC-Manila International Container Ports (MICP) Enforcement and Security Service (ESS), Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at Philippine Coast Guard (PCG), nasakote nila ang mga nasabing kargamento.
Tinatayang aabot sa 3.2 milyong pisong halaga ng mga ukay-ukay ang nakumpiska ng Customs kung saan hindi pa nila matukoy kung sino ang may-ari nito.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon at inventory ang Customs para sa posibleng ihahaing kaso kapag natukoy kung sino ang may-ari at mga kasabwat nito sa pagpuslit ng mga ukay-ukay.
Ito naman na ang ikalawang nasabat na ilegal na kargamento ng Customs sa loob lamang ng ilang araw kung saan noong Martes ay nakumpiska nila ang nasa 48 milyong pisong halaga ng smuggled na sigarilyo galing China.