Higit P350 million na military assistance ng China sa Pilipinas – pinasalamatan ni P-Duterte, China – tiniyak na masusundan pa ang tulong na ito bilang suporta sa bansa para labanan ang terorismo

Manila, Philippines – Tinanggap na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang military assistance mula sa China.

Isinagawa ang ceremonial turn over kahapon sa Clark Air Base sa Pampanga kung saan dumalo rin sina Chinese Ambassador Zhao Jianhua, Defense Sec. Delfin Lorenzana, AFP Chief-of-Staff Gen. Eduardo Año at iba pang pinuno ng pamahalaan.

Kabilang sa mga ibinigay ng China ay iba’t ibang uri ng armas at mga balang nagkakahalaga ng higit 350-milyong piso.


Magdo-donate din ang China ng 5-milyong piso para sa pamilya ng mga nasawi at nasugatan sundalo dahil sa pakikipagbakbakan sa Marawi City.

Ayon kay Año – malaking bagay ito sa kampanya ng bansa laban sa terorismo at welcome development sa pagpapalawak ng relasyon ng Pilipinas at China.

Kinumpirma naman ni Pangulong Duterte na tumawag siya kay Chinese President Xi Jinping para sa dagdag na suplay ng armas para laban ang mga terorista sa Marawi.

Tiniyak naman ni Ambassador Zhao na buo ang suporta ng China sa paglaban ng Pilipinas sa terorismo.

At aniya, hindi ito ang huling donasyong ibibigay ng China sa bansa.

Facebook Comments