Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) Port of Zamboanga ang isang motorized wooden vessel na may lamang hindi dokumentadong sigarilyo.
Nagkakahalaga ng P4.9 million ang mga nasabat na sigarilyo.
Ayon sa BOC, nasabat ng Enforcement and Security Service (ESS) and Customs Intelligence and Investigation Service at Philippine National Police (PNP) 2nd Zamboanga City Mobile Force Company ang bangkang “Jungkong” sa dalampasigan ng Barangay Arena Blanco, Zamboanga City.
Sakay ng bangka ang apat na crew na residente ng Parang, Sulu kung saan nagmula sila sa Jolo patungong Zamboanga City.
Sa pagsisiyasat, bigong makapagpakita ng legal na dokumento ang mga crew ng barko kaya’t agad na kinumpiska ang mga sigarilyo habang isinailalim na sa imbestigasyon ang mga crew.
Ang nasabing hakbang ng Customs ay batay na rin sa kautusan ni Commissioner Bienvenido Rubio na patuloy na labanan ang mga magtatangka magpuslit ng iligal na kargamento sa ilalim na rin ng kanilang mas pinalakas na kampaniya kontra smuggling sa bansa.