Higit P60 milyon halaga ng frozen product mula Hong Kong at China, kinumpiska ng BOC

Tinatayang umaabot sa P63 milyon halaga ng mga smuggled na frozen product ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Manila International Container Port (MICP).

Ang mga nasabing frozen products ay nagmula pa sa Hong Kong at China.

Sa pahayag ni Commissioner Yogi Filemon Ruiz, nakatanggap ang Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS)-MICP ng impormasyon hinggil sa dalawang container mula sa Hong Kong at dalawa rin mula sa China na idineklara na mayroong libu-libong kilo ng frozen prawn balls.


Ang bawat container ay sinasabing naglalaman ng P15.75 milyon na halaga ng misdeclared goods.

Nabatid na naglabas ang BOC ng dalawang Alert Orders (AOs) laban sa Victory JM Enterprise OPC, ang importer ng dalawang container mula sa Hong Kong, na parehong idineklara na naglalaman ng 25,000 kilo ng frozen prawn balls na dumating noong November 17.

Pero ng isailalim sa inspeksyon ang unang container, pawang mga frozen na tofu, paa mg manok at boneless beef ang laman nito habang ang pangalawang container ay mayroon din mga frozen tofu, karne ng baboy at bean curd skin.

Kaugnay nito, dalawa pang AOs ang inilabas sa dalawang container na dumating mula sa China noong November 18 na idineklara rin na may frozen prawn balls pero ng buksan ito ay naglalaman ng mga frozen fish tofu at frozen na karne ng baka.

Agad na kinumpiska ang mga nasabing kargamento kung saan pinagpapaliwanag na rin ng BOC ang importer ng mga ito.

Facebook Comments