Higit sa 2,500 aftershocks, naitala ng PHIVOLCS na may kaugnayan sa magnitude 7 na lindol sa Abra
Patuloy na nakakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng aftershocks kasunod ng tumamang magnitude 7 na lindol sa Tayum, Abra.
Batay sa monitoring ng PHIVOLCS hanggang kaninang alas-3:00 ng hapon, aabot na sa 2,527 ang naitalang aftershocks na may lakas na mula magnitude 1.4 hanggang 5.1.
Nasa 856 ang naka-plot na aftershocks o natukoy ang lokasyon ng tatlo o higit pang istasyon sa episentro ng mainshock habang 59 ang naramdaman.
Kabilang dito ang magnitude 2.2 na natunton 9 km North East ng Pilar, Abra kaninang alas-3:23 na may lalim na 1 km at tectonic ang pinagmulan ng pagyanig.
Pinayuhan ng PHIVOLCS ang publiko na manatiling alerto dahil ang aftershocks ay maaaring maganap sa mga susunod pang mga araw.