HIGPIT SEGURIDAD | Drug testing sa mga driver at konduktor sa mga bus terminal isinasagawa ng PDEA

Sampung bus ang binisita ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kanina para isinailalim sa drug testing ang mga driver at konduktor ng Victory liner sa bus terminal nito sa Cubao, Quezon City.

Ayon kay PDEA Director General for Operation Atty. Ruel Lazala, kauna-unahang pagkakataon na ginawa ng PDEA ang drug test sa mga driver at konduktor para matiyak na malinis ang mga ito sa illegal drugs habang bumibiyahe sa mga lalawigan ngayong Undas.

Unang sinuyod ng PDEA ang mga bus terminal sa EDSA Cubao saka isinunod ang Araneta bus terminal.


Isa namang hindi na pinangalanan na driver sa Araneta Bus terminal ang lumitaw na nagpositibo sa illegal na droga.

Hiwalay ding naglilibot sa mga bus terminal sa Cubao ang LTFRB at LTO officials.

Maaga pa lang kanina nang mag-ikot sa nga terminal ng bus si LTFRB chairman Martin Delgra at ininspeksyon ang mga Public Utility Vehicles (PUVs).

Unang ininspeksyon ni Delgra ang Jam terminal malapit sa Timog.

Isang bus naman sa Dagupan bus terminal ang hindi muna pinabyahe at pinapalitan ng kalbo nang gulong nito.

Sinita rin niya ang gulong ng Genesis bus na biyaheng Baguio pati na ang terminal dahil walang maayos na waiting area.

Sa panig ng pulisya, nakalatag na ang seguridad sa lahat ng bus terminal sa Metro Manila.

Bukod sa inilagay na mga helpdesk, nakakalat na rin ang mga pulis para mangalaga sa mga pasahero na luluwas sa mga lalawigan.

Facebook Comments