HIGPIT SEGURIDAD | MPD, nagpakalat na ng Civil Disturbance Management sa Mendiola kaugnay sa ikinakasang Black Friday protest ng mga militanteng manggagawa

Manila, Philippines – Mahigpit ang ginagawang pagbabantay ng mga tauhan ng Manila Police District Civil Disturnace Management sa paanan ng Mendiola bridge upang matiyak ang seguridad na ipatutupad ng pulisya sa gagawing Black Friday protest ng mga militanteng manggagawa.

Ayon kay MPD Spokesman Superintendent Erwin Margarejo, ipatutupad pa rin nila ang maximum tolerance at mahigpit na pinaalalahanan ang mga pulis na huwag gumawa ng anumang aksyon na ikasisira sa imahe ng kanilang hanay upang hindi mapulaan ng publiko na umaabuso ang mga pulis sa kanilang kapangyarihan.

Paliwanag ni Margarejo pahihintulutan nila ang mga militanteng manggagawa na ipahayag ang kanilang saloobin laban sa gobyerno basta huwag lamang makasasagabal sa daloy ng trapiko.


Una nang nagbanta ang mga militanteng grupong KMU, Bukluran ng Manggagawang Pilipino at iba pang manggagawang grupo na magsasagawa sila ng Black Friday protest kapag hindi pa rin pipirmahan ni Pangulong Duterte ang Executive Order na tutuldok sa kontrakwalisasyon ng mga manggagawang Pinoy sa bansa.

Facebook Comments