Manila, Philippines – Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine National Police (PNP) at ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na tutukan at palakasin ang puwersa nito sa mga lugar na may mga matataas na insidente ng krimenalidad, karahasan at terorismo.
Batay sa Memorandum Order Number 32 na nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea sa utos ni Pangulong Duterte ay inaatasan nito ang PNP at ang AFP na gawin ang lahat ng dapat na gawin para mapigilan ang tinatawag na lawless violence sa mga lalawigan ng Samar, Negros Oriental, Negros Occidental at Bicol.
Pinapakilos ng Malacañang ang lahat ng intelligence operation ng PNP at ng AFP laban sa mga grupo indibidwal na mayroong kinalaman sa paghahasik ng karahasan sa alinmang nabanggit na lalawigan.
Bukod sa AFP at sa PNP ay inatasan din naman ni Pangulong Duterte ang mga local na pamahalaan na ibigay ang kanilang buong suporta sa PNP at sa AFP sa paglaban sa law less violence.
Tiniyak din naman ng Malacañang na masusunod ang lahat ng proseso ng batas habang ginagampanan ng AFP at PNP ang kanilang mga tungkulin.