Aklan – Nakahanda na ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard para sa itinakdang temporary closure ng Boracay.
Ayon kay PCG Spokesman Captain Armand Balilo dalawang barko at anim na karagdagang floating assets ang aayuda para sa seguridad at pagpapatrol sa buong isla at para magpatupad ng mga regulasyon na paiiralin habang ito ay sarado sa publiko.
Maglalagay ng buoy markers ang PCG para sa lugar na papayagan ang swimming samantalang magpoposte ng mga tauhan sa gitna ng dagat para masigurado na walang anumang floating asset ang nasa 3 kilometer radius ng shoreline ng Isla.
Magtatalaga din ang PCG ng mga sea marshal para masigurado na tanging mga taga Boracay ang tanging makakapangisda sa nasabing isla.
Ayon naman kay Commander Ramil Palabrica, PCG Station commander ng Boracay, nakahanda din ang pwersa ng PCG kung sakaling may magproprotestang mga bangkero at magtatangkang manggulo at papasok sa mga shoreline ng Boracay.