Manila, Philippines – Inaayos pa ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang magiging pinal na Implementing Rules and Regulations sa anim na buwang pagsasara ng Boracay simula sa April 26.
Pero sa inisyal na guidelines na inilabas ni DILG Asec. Epimaco Densing, bubusisiin ng Bureau of Immigration ang papeles ng mga banyagang nakatira ngayon sa Boracay.
Maging ang mga Pinoy ay hindi rin basta-basta makakapasok sa isla.
Habang nakasara ito, ang mga lokal na residente lang ang papayagang pumasok o maglangoy sa Angol Beach sa station 3.
Limitado rin ang oras mula lamang ala-sais ng umaga hanggang ala-singko ng hapon.
Kailangan namang magpakita ng government-issued ID ang mga residente, maging mga may-ari at empleyado ng mga resort para makapasok sa Boracay.
Ang mga turista, hanggang jetty port lang sa Malay, Aklan papayagan.