Manila, Philippines – Maghahain bukas ng petisyon ang transport group na United Transport Koalisyon (1UTAK) na layong dagdagan ng P2 ang minimum na pasahe sa jeepney.
Ayon kay Atty. Vigor Mendoza, chairman ng 1UTAK, mula P8, dapat maging P10 ang minimum fare sa jeep para makaagapay ang mga tsuper sa pagmahal ng mga produktong petrolyo.
Kuwarenta porsiyento na rin aniya ang iminahal ng diesel mula noong 2016.
Sinabi pa ni Mendoza na kapag naging de-aircon na ang mga jeepney sa ilalim ng modernization program ng gobyerno ay hiwalay na dagdag-singil rin ito.
Tiniyak naman ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) board member Aileen Lizada na dadaan pa sa proseso ang hirit na dagdag singil sa pamasahe.
Payo ng LTFRB, pagsamahin sa isang petisyon ang mga isyu ng minimum fare at dagdag-singil sa de-aircon na jeep para parehong maisalang sa mga pagdinig.